Ni Marinel Hernandez BAJ-3A
Ang kabayanihan ng isang tao ay hindi nasusukat sa kung paano siya namatay, bagkus ay kung paano siya nabuhay para sa kanyang bayan. Isang seminar ang isinagawa ang kahapon sa Malolos Sports and Convention Center. Ito ay pinamagatang “Mastermind: Unang Panlalawigang Kumperensya sa Kontribusyon ni Gat Marcelo H. del Pilar sa Rebolusyon at Paghubog sa Bansa”. Ito ay bilang paggunita sa kabayanihang ipinamalas ni del Pilar. Sa talakayan ay nabanggit ng tagapagsalitang si King Cortez na di umano ay kabilang si del Pilar sa limang pinagpilian na magiging Pambansang Bayani ng Pilipinas ( Graceano Lopez-Jaena, Antonio Luna, Emilio Jacinto, at Andres Bonifacio). Ang pamimili umano ay sa pamamagitan ng botohan at sa botohan ng komite, ay lamang si del Pilar. Gayunpaman, hindi naideklarang Pambansang Bayani si Gat del Pilar sa kadahilanan lamang na hindi umano naging madula ang kamatayan niya. Ang tanong, kailangan bang ang kamatayan ang maging batayan ng kabayanihan? Oo, hindi maikakailang may malaki ring kontribusyon sa pagkamit ng kalayaan ng ating bansa si Dr. Jose Rizal subalit, kung pagbabasehan ay ang mga dokumento noong kanilang panahon na nasaliksik rin ni Cortez, mapapatunayang higit ang sakripisyong ipinamalas ni del Pilar para sa bayan. Sa mga datos na inilatag ni Cortez sa talakayan, lumalabas na si Marcelo H. del Pilar ang itinuturong “mastermind” ng katipunan. Ang Katipunan umano ay itinatag nila Deodato Arellano, Andres Bonifacio, Teodoro Plata, Valentin Diaz and Ladislaw Diwa subalit ito ay sa inisyatibo ni del Pilar. Malinaw na higit na dapat na tanghaling bayaning pambansa si del Pilar dahil sa kanyang inisyatibong itatag ang Katipunan na nagtanggol sa bayan nang ilang taong sakupin ito ng mga dayuhan. Gayundin, sa pamamagitan ng pamamahayag ay nagpakita rin ng labis na pagmamahal sa Pilipinas si del Pilar at isang halimbawa ng artikulo niyang “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa” na nailathala sa Diaryong Tagalog. Dagdag pa rito, matagal din siya na nagtiis sa Espanya dahil sa pagmamalasakit sa mga Pilipino. Matagal siyang nawalay sa pamilya, naghirap sa Madrid at kung magkakaroon ng pera ay ginagamit pa sa paglalabas ng pahayagan. Labis siyang namayat hanggang sa siya ay doon na namatay sa sakit na Tuberculosis. Higit na inuna niya ang bayan kaysa sa sarili at sa kanyang pamilya. Kung kamatayan nga ang sukatan, hindi ba’t malinaw na mas madula rin ang kamatayan ni del Pilar? Subalit gaya nga ng nabanggit sa simula, hindi dapat na maging batayan ng kabayanihan ang kamatayan. Sa halip ang tingnan ay ang naging buhay nito. Walang sinuman sa ating mga bayani ang naging madali ang buhay, lahat sila ay nag-alay ng dugo’t pawis para sa tinatamasa nating kalayaan ngayon. Subalit, kung pipili pinakamakabayan, atin sanang pakasuri ang mga nagawa nila. Kung paano nagsakripisyo ng sariling kaligayahan, kung paano namuno para sa kalayaan ng lupang tinubuan, kung paano ginugol ang buhay sa paglilingkod sa bayan, iyan ang mga tunay na batayan ng kabayanihan. Edukasyon ang pundasyon ng isang matatag na lipunan.
Inaprubahan na ng Senado kamakailan lamang ang panukalang magbibigay ng garantiya sa kinabukasan ng mga natatanging mag-aaral sa iba’t ibang pampublikong mataas na paaralan sa buong bansa, ang Senate Bill 2275 na kilala rin bilang “Iskolar ng Bayan Act of 2014” Ang naturang panukala na maisasabatas sa Marso ng susunod na taon ay magbubukas ng pagkakataon sa sampung mahuhusay mag-aaral ng bawat hayskul sa Pilipinas na makapag-aral sa alinman sa State Universities and Colleges (SUCs) na kanilang nais maliban sa University of the Philippines (UP). Malinaw na mayroong mabuting layunin ang panukala gayunpaman ay mayroon rin itong mga kahinaan. Isa sa mga ito ay ang pagkakaiba ng mga bilang ng maaaring tanggaping estudyante ng mga SUCs. Maaaring ang mga mapipiling iskolar ay hindi na ma-accommodate pa sa kurso at paaralang nais nilang pasukan. Sa gayon ay ililipat sila ng Commission on Higher Education (CHED) sa ibang paaralan na maaaring nasa sa labas na ng probinsya. Halimbawa, nagbigay ng admission test ang isang state university, napuno ang bilang ng kayang tanggapin sa kursong Engineering at ilan sa mga iskolar ay nais mag-aaral rito at kukuha ng kursong nabanggit, hindi na sila tatanggapin pa sa unibersidad bagkus ay ihahanap sila ng iba na makapagbibigay ng slots kahit pa malayo sa probinsyang kanilang kinabibilangan. Ang panukalang batas na ito ay para makapagbukas ng pinto sa ilang mahihirap subalit masisigasig na kabataang Pilipino tungo sa benepisyo na makapag-aral ng kolehiyo. Subalit kung mabibigyan nga sila ng scholarship ay sa paaralang malayo naman sa kanilang mga tirahan, hindi ba’t parang wala lang din? Dagdag pa rito, masyadong nilimita ang bilang ng mga mag-aaral na maaring makakuha ng nasabing benepisyo. Sa isang pampublikong hayskul, marami ang mahihirap na nagnanais makapagtapos ng pag-aaral at hindi lamang sampu. Sa batas na ito, tila ba bubuksan ang pinto kung saan milyon-milyon ang matagal nang nakaabang at magpapapasok lamang ng iilan. Kung tunay nga na naniniwala ang pamahalaan, gaya ng sinabi ni Senate President Franklin Drilon, na nakasalalay ang ating bansa sa mga kabataan, ang dapat siguro ay iprayoridad ang edukasyon ng maraming kabataan at hindi ng kaunti lamang. Sa gayon ay marami ang maglilingkod at mapakikinabangan ng bansa kapag sila na ang mamumuno. Kabataan ang pag-asa ng bayan. At ang edukasyon ang magiging pundasyon ng matatag na lipunan na kanilang ginagalawan. Maganda ang layunin ng “Iskolar ng Bayan Act” subalit bago ito tuluyang isabatas, sana ay palawigin at paramihin muna ang benipisyaryo nito. Ibukas sana ang pinto para sa mas nakararami. Gawing prayoridad ang kabataan. Gawing prayoridad ang kanilang edukasyon. Sapagkat darating ang araw na sila naman ang sisikad tungo sa kaunlaran ng bansa. |
|